(Family Driver | Pateros, Metro Manila, PH)
52 yrs.old
Family driver, 20 years
FTV: Anong aspeto ng trabaho mo ang pinaka gusto mo?
EFT: Yung gusto ko sa aspeto ng trabaho ko yung nakikipag-kwentuhan sakin yung mga sakay ko sa oto
FTV: BakIt?
EFT: Dahil doon ko nakikilala yung tao kung maayos sya at kung mabuti syang tao. Sa tagal ko sa ganitong work, alam ko kung totoo o hindi yung taong kausap ko.
FTV: Anong prinsipyo mo sa trabaho?
EFT: Pag hindi na ko masaya sa work ko, at alam kong hindi na kami magkasundo ng boss, nag re-resign na ako, at marami akong alam na work, laki ako sa hirap kaya sanay ako sa laban ng buhay.
FTV: Pang Ilan ka sa pamilya? Ilan layong magkakapatid?
EFT: Ako ang panganay sa magkakapatid. Pito kami. Ampon ang isa, kaya ako ang umako ng kakulangan sa pamilya, kaya maaga ako na expose sa buhay ng pagkita ng pera, dahil kailangan ng mga kapatid ko at pamilya ko.
FTV: Anong naging pinaka challenging sa pag-provide sa mga kapatid mo?
EFT: Alam mo yung pinakamabigat na naging challenge sa buhay pamilya, yung na-sacrifice ko ang sarili ko para sa kanila. Mahirap, halos hindi ko alam kung sila ba ang dapat kong lapitan kapag hindi ko na ma-handle ang sitwasyon. Pero hinahanapan ko nalang ng solusyon. Sa isip ko, bilang kuyang nila, hindi ako nagpapakita ng kahinaan sa kanila, kaya lahat kakayanin ko para sa pamilya ko. Kuya ako, takbuhan ako lahat ng pangangailan nila. Ok lang kahit alam ko na pinabayaan ko sarili ko para sa kanila, hindi ako pinabayaan ng Diyos. Gusto ko man magkaroon ng take-2 ang buhay, si God lang ang nakakaalam ng nasa puso ko.
FTV: Ang laking pagsubok pala sayo. Anong natutunan mo from it?
EFT: Sobrang dami kong natutunan. Yung magsakripisyo para sa pamilya, yung disiplina dala ko pa rin hanggang ngayon, kasi pag sumablay ako sa maling disisyon or move ko, apektado sila. Ayoko na magkakamali pa uli ako. Gusto ko ang lahat ng move at desisyon ko ngayon palaging tama, kapag nagkamali ako, apektado sila.
FTV: Paano mo hinaharap ang mga stressful na sitwasyon sa trabaho at sa buhay?
EFT: Pag stress ako, nililibang ko sarili ko. Pangkaraniwan, ang ginagawa ko, nag e-exercise ako hanggang sa mapagod. Sa buhay naman, pag maraming problema ang dumadating, iniisip ko na lang, hindi lang naman ako ang may problema, lahat ng tao. Iba iba nga lang. Pagalingan na lang ng pag ha-handle. Lilipas din naman ito, laban lang.
FTV: Anong gusto mong matandaan Ng mga tao tungkol sayo o papano mo gustong makilala?
EFT: Ang gusto kong matandaan ng mga tao sa akin ay yung nakatulong ako sa kanila kahit walang-wala na. Kulang man sa pinansyal, sa pisikal nakakatulong parin ako sa mga tao. Sa pagkilala naman sakin— Yung pagiging simpleng tao, marunong makisama at may kakayanang tumulong na hindi nag hihintay ng kapalit.
FTV: Ano sa tingin mo ang pinaka mahirap na pinagdaanan mo sa buhay?
EFT: Nung namatay yung nanay ko, marami pa akong gustong gawin at pasayahin sya. Nahirapan talaga ako. Kulang yung bawat araw ko na mga lumilipas. Pero naintidihin ko rin sa huli kung bakIt kinuha cya agad ng Diyos. Sabi ko sa sarali ko, kung may take-2 lang ang buhay, mas ibibigay ko sarili ko para sa pamilya ko, dapat pasayahin talaga ang mga magulang habang buhay pa sila.
FTV: Kung hihingan ka ng mensahe para sa mga Pilipino sa ibat ibang panig ng mundo, anong maaaring mong sabihin?
EFT: Sa mga Pilipino na nasa ibang panig ng mundo, dapat handa kayo sa sarili n’yo, para ano man ang masagupa n’yong sitwasyon sa bansang pinuntahan n’yo handa kayo. Lalo sa mga OFW. Ang hirap, pagod, lungkot, pagka-layo sa pamilya, makakayaan n’yo kasi handa kayo sa laban na sasagupain nyo. Pag may pagsubok na dumating, laban lang. Daming tao na may problema. Iba iba nga lang, Pagalingan lang yan ng pag-ha-handle. Lilipas din yan, laban lang. Kumuha ng gabay at lakas sa Diyos. Maging mapanalanginin. Tuloy tuloy lang sa buhay, abante lang ng abante. Gabayan nawa kayo ng panginoon Diyos.